Wednesday, August 23, 2006

Ang Aking Pitak Sa Pulilan

Sa bawat isa sa atin, mayroong isang lugar na nagtataglay ng kapangyarihang gisingin ang mga alaala mula sa isang natatanging panahon sa ating buhay. Isang pitak na ang kalakip ay mga larawang naghahatid sa atin sa isang panahon na puspos ng kamanghaan at kamusmusan. Mga anyong-diwa na hindi natinag ng pagdagsa ng mga taon gayun din ng mga sumunod na karanasan at pinagdaan na higit mang maluwalhati’t makasaysayan, ay walang kakayanan na higitan o tapatan ang timbang ng ating pinagmulan at kalinangan.

Marami’t malayo na rin naman ang aking narating. Ayon sa huling pagtutuos, akin na palang nalakbay ang lima sa pitong kontinenteng sumasakop sa halos limampung lalawigan sa mahigit dalawang dosenang bansa sa mundo. Sa Northwest/KLM pa lamang, ako’y nakapagtala na ng humigit-kumulang sa isang milyong milyahe. Sa kabila ng lahat ng ito, wala ni isa man sa mga banyagang lupain na aking tinahak ang sa aki’y nakapagdudulot ng buntong hininga at nakapagpapalipad sa aking isipan gaya ng isang maliit na bayang hindi naman kalayuan sa aking kinasasadlakan ngayon.

Maanong inyong paunlakan ang aking paanyaya na kayo ay dalhin sa aking natatanging pitak.

Bilang pambungad, hayaan niyo muna na aking ilahad na ako ay isang Tagalog. Ako man ay may bahid ng dugong Bikolano, Kastila, Portuges, Malay at maaring kahit dugong Tsino, sa kabuuan, nangingibabaw pa rin ang aking pagka-Tagalog.

Gayong ang aking lalawigan ay siya ring pinagmulan ng mga magigiting na pangalan tulad ng sa mag-amain na Marcelo at Gregorio del Pilar, Trinidad Tecson, Mariano Ponce at Pio Valenzuela, nakapagtatakang ni isang pangulo ng bansa ay di pa ito nakapagsisilang. Datapwat sa kabila ng katotohanang mangilan-ngilan lamang sa mga anak ng Bulakan ang kilala sa larangan ng pambansang pulitika, ito nama’y di pahuhuli sa larangan ng sining. Dito unang sinikatan ng haring araw ang mga giliw na pambansang manunulat gaya nila Virgilio Almario, Nicanor Abelardo, Amado Hernandez, at Jose Corazon de Jesus (na kilala sa bansag na Huseng Sisiw). Anupa’t ang Bulakan ay siya ring pinagmulan ni Francisco Balagtas at ng balagtasan!

Ipagtatapat ko na walang sino man sa mga ginoo na aking nabanggit ang nagmula sa aking sintang bayan ng Pulilan. At sa kabila ng patotoo ng ilang mananalaysay na noong unang panahon, isang punong-kagawad mula sa bayang ito sa mga nakasaksi sa pagsasatitik ng tinatawag na Kasulatang Tanso ng Laguna, para sa karamihan, maaring ang tanging ambag ng bayang Pulilan sa pambansang kamalayan ay ang tanyag nitong kapistahan.

Naalala ko na noong ako’y isa paslit pa lamang, ako’y dumurungaw mula sa barandilya ng aming lumang bahay upang panoorin ang mga matatandang ginang na bihis ng baro’t saya at nagsisipagsayawan ng pandanggo habang ang mga mosiko nama’y abala sa pagtugtog ng mga sina-unang awit. Pagdating ng kina-hapunan, amin namang pinanunood ang parada ng mga kalabaw na pawang humuhulas sa langis ang mga sungay at paanan. Ang mga balat nito ay sadyang inahit na tila paburda. Karamiha’y pinalamutian ng mga bulaklak, tunay man o yari sa papel. Ang ilan ay may hilang pang kariton na sadya ring pinagara. Ang mga yao’y papunta sa simbahan doon sa kabayanan kung saan ang mga kalabaw ay abang luluhod tanda ng pagbibigay-pugay ng mga magsasaka’t damulag sa mahal na patrong San Isidro Labrador.

Ayon sa sabi, ang bahay daw na iyon na pag-aari ng aking mga abuwelo sa panig ng ina, ay siyang kauna-unahang bahay na bato sa baryo ng Balatong. (Sa hindi nakababatid, ang balatong ay “soy bean” sa wikang Ingles datapwat ni minsan ay wala akong nakitang balatong na naitanim o tumutubo sa aming nayon.) Ang aking ina at kanyang mga kapatid ay sa bahay na iyon ipinanganak at lumaki kaya’t kapag kami’y nasa Bulakan, doon kami nanunuluyan. Minsan, apat na pamilya kaming magpipinsang taga-Maynila ang sabay-sabay na manunuluya’t magsisipagtulugan doon. Inilalatag lamang namin ang mga banig at isinasabit ang mga kulambo at--ayun na!--nagkakasya na kaming lahat. Hindi ko malaman kung ito ay dahil sa ang salas na nasasahigan ng mga senepang apitong ay sadya ngang malawak o di kaya’y sadyang maliliit lamang kami.

Ang bahay na iyon ay bato lamang sa unang palapag. Ang silong ay napapalibutan ng malalaking landrilyo ng abobe na inilatag nang pauna-sinotra at walang kabilya. Ito raw ay unang ginamit bilang garahe ng kalesa ngunit sa panahon ng aking kabataan, ito’y nagsisilbi na lamang na imbakan ng palay at darak. Ang ikalawang palapag ay halos pawang gawa sa kahoy maging ang mga biga, haligi, tabika at dingding. Maaliwalas at tumatagpos ang hangin sa loob ng buong kabahayan sanhi ng naglalakihang mga durungawan at bentanilya. Maliban sa altar na may poon na yari sa garing, ang mga kagamitan sa loob nito ay hindi marangya’t marami kaya’t kami ay malayang nakapaglalaro’t nakapaghahabulan nang di nag-aalalang makabasag ng anupaman.

Ang mga Cabral ng Pulilan ay di kasing-tanghal ng sa Hagonoy. Ngunit sa mga baryo ng Balatong at Inaon, sila’y natatangi at kilala bilang lahing matangos. Ako ay may hawig sa aking Lolo Temyong. Hindi man sing-tikas, sapat na upang ako ang maging paboritong apo ng aking Lola Kulasa. Nang pumanaw ang aking lolo, ako’y lalong napalapit sa aking lola’t naging malimit sa kanyang tabi. Kapag walang pasok sa paaralan, isinasama niya ako sa Pulilan kaya’t ako ay di hamak na mas madalas doon kaysa sa aking mga kapatid o sino man sa aking mga pinsang tiga-Maynila .

Kaya’t batid ko ang ilang lihim ukol sa lumang bahay na di alam nino man sa kanila. Halimbawa, doon sa silid-tulugan, matatagpuan sa sahig sa ilalim ng almaryo ang isang nakatagong pintuan na nagsisilbing panakip sa isang malaking baul kung saan maaring magsikisikan ang dalawa hanggang tatlong katao. Noong panahon ng Hapon, ito’y ginamit bilang taguan kapag ang mga sakang ay nagbabahay-bahay sa pagtutugis ng mga gerilya. Maraming kinuwento sa akin si Lola Kulasa ukol sa panahon ng digmaan, kung paanong ang kisame ng kanilang bahay ay naging imbakan ng bigas na noon ay kasalatan gawa ng kawalan ng ibig magsaka, at kung paanong sa kabila ng lahat, ang kanilang mag-anak ay pinalad na di sumala sa pagkain ng bigas hanggang sa pagdating ng mga Amerikano at liberasyon.

Ang mga agahan sa lumang bahay ay kalugod-lugod. Wala akong maisip na ibang lugar sa buong mundo kung saan ang simpleng tsamporado ay sing-dalisay. O di kaya ang gatas ng kalabaw na binahog sa kanin, ulam ang maalat na daing. Bibinka? O pinaputok na pandesal na masaganang pinahiran ng mantekilyang galing sa isang makintab at mapulang lata? At piniritong itlog ng itik? O di kaya ensemadang galing pa sa Malolos?

Datapwat nang panahon ng aking kabataan, ang bahay ay mayroon nang palamigan, naroroon pa rin ang lumang paminggalan kung saan di-nawawalan ng makukurot o madadampot na anupamang maaring kanin kapag inabot ng gutom sa maghapon. Mula sa kumedor at kusina ay tanaw ang manukan sa likod-bahay at sa labas ng bakuran, ang mga pilapil ng kabukiran.

Si Kuya Engteng na pinaka-bata sa aking mga pinsang tiga-Pulilan, ay siyang madalas naaatasang mag-alaga sa akin. (Matapos ang ilang taon, nang siya’y magsimulang pumasok sa kolehiyo sa Maynila, pinalitan niya ang kanyang palayaw sa mas makabagong “Vic” sa halip na “Enteng”.) Magkasama kaming namamasyal. Kung minsan, kami ay umaabot kahit hanggang bayan na humigit-kumulang sa limang kilometro ang layo mula sa bukid. Sa tabing-daanan, kami’y tumitigil upang mamitas ng kaymito at tsiko kapag ang mga ito’y nasusumpungan. Kapag panahon ng balimbing at makopa, ang mga ito’y kusang nalalaglag at napupulot lamang sa lupa. Gayon din ang kamatsile na hindi ko man naibigan, ay akin na ring pinupulot upang ipasalubong kay Nana Minang na alam kong ibig nito.

Tuwing buwan ng Mayo, kami’y namimitas ng mga pangkaraniwang bulaklak. Kalasusi, santan, gumamela o maging kampupot man at ang mga ito’y aming dinadala sa bisita, ang maliit na kapilya sa baryo. Ipinaliwanag sa akin ni Kuya Enteng kung paanong ang Birheng Maria raw ay nalulugod sa mga alay na bulaklak at kung sakaling wala ng mga ito, maaari rin namang magdasal na lamang ng rosaryo. Ang bawat Aba Ginoong Maria ay katumbas daw ng isang talulot ng rosas na maiaalay sa Mahal na Birhen. At dahil mas madali’t kagiliw-giliw ang mamitas kaysa mag-rosaryo, iyon ang aming ginawa.

Pagsapit ng gabi, kami’y bumababa sa silong na bodega tangan ang linterna. Ang pinaka-mahuhusay ay pinaka-malalaking gagamba ay masusumpunga’t mahuhuli lamang tuwing pagsapit ng ganap na kadiliman. Ang mga gagambang kuryente ang siya naming unang pakay bagaman ang mga gagambang bahay ay amin ding hinuhuli. Ang mga ito’y inilalagay namin sa loob ng kahon ng posporo na may kanya-kanyang silid upang mapaghiwalay ang bawat isa. Minsan, ako’y nakasumpong ng isang gagambang salapitik at ito’y marami rin namang napanalunang mga away sa walis tingting nang ito’y aking dalhin sa Maynila.

Isa sa aking mga madalas makalaro sa Pulilan ay ang aming kapitbahay na nagnga-ngalang Ramon na isa ring Bedista ngunit bata sa akin ng isang baytang. Ang kanilang bahay ay nasa tapat ng palaruan ng basketbol at sapagkat kadalasan, ang mga kabinataan ay sa hapon kung maglaro, nasasarili namin ang palaruan tuwing umaga! Kami’y naglalaro nang tila walang katapusan, maya’t-maya’y bigkas ang mga pakantiyaw at “Indian Yell” na aming natutunan sa San Beda. Tuwing kami’y namimintis o kaya’y namamali ng galaw, ito’y ginagawa naming pagkakataon upang sisihin or pagtawanan ang Ateneo, La Salle, Letran o Baste.

Kapag kami’y may sapat na salaping baon sa bulsa, kinakaladkad namin ang aming mga pagod at pawisang sarili patungo sa tindahan ni Nana Celing upang uminom ng de bote. Ang mga matatanda ay hindi sumasang-ayon sa ganitong kagawian. Minamarapat nilang kami’y uminom ng mga inuming gawa sa katas ng kalamansi, dayap, guyabano, sampalok, kamyas o kahit santol. Labag sa amin ang kumain ng sitsirya kaya’t ang madalas naming minindal ay kanin o di kaya’y mga kakaning gawa sa bigas. Minatamis o mangga na ulam sa kanin, gatas na malapot na iniuulam din sa kanin, ubing halaya o letse plan sa kanin. Tila lahat yata’y amin nang naiulam sa kanin! Bilang pamalit, kami nama’y nakapag-miminindal din ng suman, biko, espasol, puto o kaya ay tirang bibingka mula sa gabing nagdaan.

Ang aking Tata Eseng, bilang panganay na kapatid ni Ina at tumayong pinuno ng ankan sa pagpanaw ng aking Lolo, ay madalas kong naririnig na pinapangaralan ang mga binata: “Marami na tayong bigas kaya’t kung kayo’y mag-aasawa, maanong humanap kayo ng mula sa angkan na maraming ulam.”

Tuwing ako ay kailangan nang lumuwas sa Maynila, madalas na nagtatalo ang aking damdamin. Sa isang banda, ako ay masaya sapagkat makakapiling ko nang muli ang aking mga kapatid at magulang. Ngunit sa tuwina’y may bahid din ng lumbay sa iniiwanan kong saya at laya ng pag-kilos na di nalalasap sa lalawigan. Nuong kami’y mga bata pa, kami’y hindi pinahihintulutang maglaro sa kalsada o saan man sa labas ng bahay namin sa Sampalok kaya’y bihira sa aming mga kapit-bahay ang aming kilala.

Sa panahon na ako’y nasa mababang paaralan, karaniwan kong sinisimulan ang mga unang linggo ng pasukan sa pagpupunyaging limutin ang puntong-Bulakan na aking nakuha nang nakaraang tag-init. Ang aking mga kamag-aral na burgis at tubong-Maynila, ay nagugulat kapag ako’y bumibigkas ng malalalim na salitang di nila nakasanayang marinig. Minsan, tinula ko sa harap ng klase ang “Invictus” ni William Ernest Henley at sa kalagitnaan nito’y biglang lumabas ang aking punto at doo’y napahalakhak ang aking katabi. Sa kaniyang paniwala, ako’y nagpapatawa at sadya namang katawa-tawa. Hindi ko sinasang-ayunan ang kasabihan sa wikang Ingles na nagsasabing ang pag-gaya raw ang pinaka-mataas na uri ng pag-puri. Sa murang gulang na yaon, maka-ilang beses din naman akong napaaway sa pagtatanggol sa dangal ng aking kabihasnan kapag ang ibang mga bata’y lumalabis nang pagbuska sa aking punto.

Di naman nagtatagal at nawawala rin ang aking punto. Ngunit ang talinhaga ng aking Tagalog at lawak ng aking talasalitaan ay hindi nawawala. Sapagkat ako’y namulat sa salitang makulay at makata, maaari akong maka-isip ng mahigit limapung paraan kung paano sasabihing ang isang kamag-aral ay mahina ang ulo. At kung ang pangkaraniwang batang Bedista ay makakalakap lamang ng apat o limang pang-uri na singkahulugan ng salitang “pangit”, kaya kong isalaysay ang isang buong litanya patungkol sa kung gaano siya kapangit at paano siya nagkagayon. Sa aking lupon, ako ang kadalasang nakapag-iisip ng pinaka-mainam na katuwiran kung bakit nga kaya ang isang guro ay nakasuklay ng pagayon o bakit din kaya ang batang nagdaan ay paikay-ikay kung maglakad. Ang katangian na ito ay nagamit ko rin naman sa mabuti sa aking pagsusulat ng mga tulang sa wikang Tagalog kung alin sa ilan ay nalathala sa “Ani”, ang aming taunang magasin na pampanitikan.

Sa loob ng mga araw ng pasukan, hinahanap-hanap ko ang mga siyesta sa lumang bahay at sa gabi, ang tila walang katapusang mga kuwento ng mga nakatatandang kababaihan ukol sa mga kapre, tiyanak, dwende at aswang. Pinangungulilaan ko ang paghiga sa kandungan ng aking Lola habang sila ng mga Nana Minang at iba pang matatanda ay naghahanda ng nganga at ako nama’y masugid na nagmamasid. Kung paano nilang ipinapahid ang apog at maskada sa ikmo, ginigupit ang hitso gamit ang kalukate, at dinudurog ang bunga sa isang dikdikang adobe gamit ang tila napakaling turnilyo. Madalas nilang nababanggit na ang pag-nguya raw ng nganga ay nakapagpapa-tibay ng ngipin at ito ang hudyat ng kasunod na halakhak sapagkat ang aking Lola ay bungal na.

Ang pagkain doon ay hinahanap-hanap ko rin. Payak man, ang mga ulam na gaya ng pinangat na sapsap, pritong kanduli, tapang usa, hinalabos na hipon, tinadtad, adobong pinatuyo at maging ang karaniwang paksiw na bangus, tinapang salinas na sinawsaw sa bagoong halubebay o kaya ang sinigang na baboy ay di sing-sarap kapag inihahain sa Maynila. Maaaring dahil sa simoy ng hangin at ang lawiswis ng kawayan na sumasabay sa bawat oras ng pagkain sa nayon. O maaari rin naman na ang kinagawiang pagtataas ng paa sa bangko habang kumakain ay tunay lamang na nakapagpapagana.

At ang tsamporado, ito’y madalas kong hangarin sa tuwina.

Huli kaming nakapanuluyan sa lumang bahay nang ako’y nasa mataas na paaralan pa lamang kung kailan si Lola Kulasa ay ibinurol doon. Gaya ng mga nagdaang kapistahan, kapaskuhan at iba pang mga handaang naganap sa bahay na iyon, maraming mga panauhin ang nagsipagdalo. Ngunit di tulad ng mga salu-salo ng mga panahong lumipas, ang pagtitipon na iyon ay balot ng luha at dalamhati. Nang mga sandaling iyon, lingid sa akin na ang pahihimakas sa aking yumaong Lola ay siya na rin palang nagsisilbing pamamaalam namin sa lumang bahay na kinagisnan.

Sa kasalukuyan, ilang buwan na rin naman pala ang binilang mula ng ako’y naparoon. Ang aking mag-anak sampu ng aking mga kapatid ay bihira na ring mauwi, at sa bawat taong sumasapit ay tila dumadalang pa sa taong nagdaan. Karaniwa’y tuwing mayroong kaarawan o anibersaryo na kailangang idaos doon sa pantyon kung saan, matapos palisin ang mga alikabok at hawiin ang mga sapot, kami’y nagtitirik ng kandila, nag-aalay ng tungkos at nagdarasal ng kaunti. Gaya ng aking mga abuwelo, ang aking mga magulang ay doon na rin nailibing sa musoleyo ng aming angkan sa kampusantong kalapit ng simbahan ng San Isidro.

Bihira na rin kaming madalaw sa bukid kung madalaw man. Sapagkat ang aking mga abuwelo, mga magulang at mga kasabayan nilang amain at tiyahin ay pawang sumakabilang-buhay na, at karamihan sa aking mga pinsang-buo ay nagsipangibang-lugar na rin, halos wala nang dahilan upang kami ay dumayo pa roon. Mangilan-ngilan na lamang ang aming mga natitirang kakilala at wala na rin kaming matutuluyan. Bagamat ang baryo ng Balatong ay wala namang gaanong ipinagbago (tila lumiit lamang sa aking pakiwari’t paningin) at karamihan ng mga bahay ay gaya pa rin ng sa dati, gagasino na lamang sa aming mga nakakasalubong ang amin pang namumukhaan.

Nang ako’y huling naatasang pumaroon, aking napansin na maging ang puno ng kaymito na dati naming sinusunkit ay naroroon pa. Mga dahon nito’y sumasayaw pa rin sa banayad na ihip ng hangin, mga sanga’y hitik sa mga bungang mahinog-hinog, at mayabong na nakatindig sa dating bakuran ng mga Ka Orang. Ako kaya’t ako ay dumaan? Ngunit sa kisapmatang kahibangan, madali ring umalimpungat ang katotohanan na siya’y wala na roon. Ilang sandali pa, habang nasa aking tabi ang aking anak, kami ay lumagpas sa tapat ng lumang bahay. Ako ay bahagyang alumpihit samantalang nakalingon doon sa tahanan na minsan, sa isang nakalipas na panahon, ay naging malapit at matalik subalit ngayo ay tila anong layo at anong lamig. Sa aking kalooban ay namumuo ang pagnanais at udyok na ipaalam sa aking anak ang ukol sa mga lihim na pintuan, ang mga sulok kung saan nagtatago ang mga gagamba, ang mga silid at ang mga larong kinagiliwan sa bawat isa sa mga ito, ang mga kuwentong naisalaysay, at ang mga halakhak na minsan ay aming pinagsaluhan doon sa lumang bahay, minsan isang panahon. Datapwat sa ngayon, ito ay hindi na maaaring mangyari. And mga taong nakatira roon ay hindi na namin kilala.

At si Ramon. Ang aking kababata at kalaro ay wala na rin doon sa bahay sa tapat ng palaruan. Halos dalawang dekada na rin ang lumipas mula nang siya ay nasawi sa gitna ng isang malawakang pagkilos doon sa Mendiola pagkaraan ng pagpaslang sa dating senador Benigno Aquino. Mula sa magka-ibang salinlahi, sa pagitan ng ilang linggo, dalawang kapwa Bedista ay humandusay sa pamamagitan ng punlo. Nadaraanan ang puntod ni Ramon patungo sa aming pantyon.

Sadyang nakapanlulungkot kung pagtatantuin na ang tanging pitak sa Pulilan na maituturing pang sa amin ay isang bahagyang tilad ng lupa kung saan ang aking mga mahal sa buhay--mga giliw na minsang nagisnan na puno ng buhay, nakasama ng maluwat at naging mahalagang bahagi ng aking pagkatao--ay doon nakalagak sa kanila na ring tagubilin. At silang mga saksi sa aking karanasan at mga tagapagpatunay sa aking pagpapahayag na minsan din naman akong tumahak sa mga lansangan at naglaro sa mga kabukiran ng bayan na ito, sila ngayon ay nananahimik. Hindi na kailanman maririnig sa kanilang mga labi ang mga salitang makapagpapatibay na ako ay nauukol pa sa pitak na ito.

Subalit habang taglay ko ang mga alaala ng bayang ito sa aking puso at ang wikang mabulaklak at maalab sa angking kadakilaan ay nakahimpil sa aking dila, ang Pulilan ay mananatiling may pitak pa rin sa akin.

Copyright ©2006 Ronnie C. Cabañes
Click HERE to read the English version.