Thursday, August 24, 2006

Giliw Ko Sa Bintana

Giliw kong sa bintana'y nakadungaw
Puso ko'y lumulukso sa tuwing natatanaw
Abang iyong lingkod, sana'y dinggin
Pakingan mo, diwata ko, aking abang panalangin

Mula nang masilayan, iyong kagandahan
Larawan mo'y inukit nga sa pusong naturan
Sa pintua'y inukit din, iyong tanging pangalan
At saka isinusi, ang kaniyang tuwerkahan

Pagkaraan, susi nito'y aking ngang itinapon
Sa malalim na karagatan, pagsapit ng dapit-hapon
Upang di na mabuksan pa ang pugad ng iyong ganda
Luklukan ng iyo'ng ngiting, o kay tamis, o kay sinta!

Lamang aking giliw at kinagigiliwan
Damdamin ko kaya'ng ito'y, iyong makuhang suklian?
Abang linkod, sa iyo kaya'y, masukat na karapat-dapat?
Na sa iyo'y, magpahayag at mapusok na magtapat?

Ipagtapat nawa sa iyo, aking abang damdamin
Kahit alam naman nitong, aking pag-asa'y alanganin
Sa kabila ng takot ko'ng, ako lamang ay saktan
Kung pagtangi'y di pala makakamtan kailan pa man

Kung sana'y sapat nang yaring dagat ay languyin
Pitong bundok man ay buong sipag na 'king tataw’rin
Kung sana'y sapat nang yaring langit ay abutin
At sa paanan mo, ay alay kong mga bituin

Ngunit kay layo man, kay layo din ng lalakarin
Mga unos ay buong tapang na aking sugurin
Alam nitong iyong lingkod, na di sapat sa iyong damdamin
Sing kislap man ng busilak, ang aking hangarin

’Pagkat ating mga puso, agwat ay malawak
Di kayang ipagtulay, ano mang layong tinahak
Kung gayon nga, ako pala'y, dapat nang manahimik
Itikom and damdamin ko, sa likod ng mga titik

Copyright ©2006 Ronnie C. Cabañes