Friday, December 01, 2006

Ang Mamang Kapre

Kay tagal nakaupo sa sanga ng balete
Tangan ang tabakong di mawalan ng sindi
Aking pinagtataka’t ibig isangguni
Tabakong yaon kaya’y saan niya nabili?

Sa panahon ng tag-ulan, sapat kaya ang silong
Ng balete kung saan ang kapre ay dumudulong
At paano kung buhawi ang dumapo sa gawing yaon?
Balate ba ang kubli niya sa harap ng daluyong?

Ilang daang taong namuhay nang tanging sarili
Salat sa ligaya, sadlak sa pighati
Di kaya hinahanap ng iba pang mga kapre
Kamaganak niya kaya’y pawang mga ka-uri?

Panahon pa ng Kastila’y naroon na raw
Walang makapagsabi, kalian unang natanaw
Mga taong nadaraan sa dako niya’y nililigaw
Kapilyuha’y pinamamalas sa tuwing paglipas ng araw

Mga dwende’y kalaro, tikbalang ay kahuntahan
At sa gabi, itong aswang ang siyang katuksuhan
Di ba siya nangungulila sa piling ng mga mahal
Mga magulang, kapatid, kaibiga’t kasintahan?


Copyright ©2006 Ronnie C. Cabañes